~ Vigan, Ilocos Sur ~
Ang Kapana-panabik Na Kasaysayan Ng Vigan,Ilocos Sur
Ang makasaysayang Lungsod Vigan ay matatagpuan sa hilaga kanlurang bahagi ng baybaying lalawigan ng Ilocos Sur. Kilala ang lungsod dahil sa makasaysayang mga bahay at gusaling pinagplanuhan, idinisenyo at itinayo na may impluwensiyang Asyano, Europeo at Latino Amerikano na matagumpay na naalagaan ng mga mamamayan nito mula pa noong ika-16 na siglo
---------------------------------------------------------------
Dating isla ang Vigan na napapalibutan ng Ilog Abra, Govantes at Mestizo, na umiikot sa paligid nito. Ang pangalan nito ay kinuha sa kabiga-an, isang uri ng halamang dating nananagana sa pampang ng Ilog Abra
Bago pa ang panahon ng pananakop ng mga Kastila ay kilala na ang Vigan bilang isang pook-kalakalan sa pagitan ng mga katutubo at ng mga komersyanteng Intsik na sakay ng mga junk (barko) na bumabagtas sa Ilog Mestizo upang makipagpalitan ng exotic goods mula sa mga kaharian ng Asya para sa beeswax, ginto at iba pang kalakal mula naman sa mga bundok ng Cordillera. Ang mga dayuhan na karamihan ay Intsik ay nanatili sa Vigan at nakapag-asawa ng mga katutubo. Dito nagsimula ang multi-cultural na lahi ng mga Biguenyo.
Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, nang matapos ni Juan de Salcedo na kilalang manlulupig na Espanyol ang matagumpay na ekspedisyon at pagtuklas sa Norte ay ginantimpalaan siya ng hari para sa kanyang paglilingkod. Ibinigay sa kanya ang lumang lalawigan ng Ylocos bilang kanyang encomienda. Nang siya ay encomiendero na at Justicia Mayor ng Ilocos ay nagbalik siya sa Vigan na una niyang natuklasan noong Hunyo 12, 1572. Naging mainit ang pagsalubong sa kanya ng mga katutubo roon dahil sa naging mabuting pagtrato sa kanila ni de Salcedo noon. Ginawa niyang kabisera ang Vigan ng buong Ylocos na noon ay binubuo ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra, La Union at ilang bahagi ng Mountain Province. Noong Enero 1574, nagsama siya ng mga misyonerong Agostino upang mangaral tungkol sa Ebanghelyo at itinatag niya ang Vigan bilang isang Kastilang lungsod upang mangibabaw sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas.
Si Juan de Salcedo ay ipinanganak sa Mexico noong 1549 , siya ay ang pangalawang pinakamatanda apong lalaki ni Miguel López de Legazpi . Sumama siya kila Legazpi at sa kapatid na lalaking si Felipe de Salcedo noong 1564 para sa sakupin ang Pilipinas, noon ay 15 taong gulang pa lamang siya. Sa 1569 , si Salcedo ay humantong sa isang hukbo ng mga tatlong daang-sundalo kasama si Martin de Goiti para sa pagsakop sa Maynila . Doon sila nagkaroon ng maraming laban, laban sa mga pinuno ng Muslim at para sirain ang kaharian nito noong 1570 at 1571 .
---------------------------------------------------------------
Mga Pamana ng Nakaraan
Maraming matatandang gusaling naipatayo ilang dantaon na ang nakalilipas ang makikita pa sa Lungsod Vigan sa kasalukuyan.
Sa Kalye Mena Crisologo sa Mestizo District ng lungsod ay naroon ang humigit-kumulang sa 150 na bahay na bato. Makikita sa mga ito ang galing ng mga artisanong Filipino bago pa dumating ang panahon ng modernong materyales at teknolohiya sa pagtatayo ng gusali. Ang bahay na bato lamang ang nakatatagal sa lindol at bagyo na madalas bumisita sa rehiyon ng Ilocos. Ang bubong nito ay yari sa tisa habang ang ikalawang palapag at ang sahig ay yari sa kahoy. Marami sa mga ito ay nasa maayos pang kalagayan at ang ilan ay ginawang mga otel, museo, tindahan ng mga souvenir, kainan o bar.
Ang maringal na St. Paul
Metropolitan Cathedral na ipinatayo ng mga prayleng Agostino at nakumpleto noong 1790 ay ginamitan ng katangi-tangi lamang sa mga Ilokano na istilong Earthquake Baroque (dahil sa mga lindol na naranasan noon sa Ilocos) at may disenyong paulit-ulit na ginamit sa kabuuan na istilong Neo-Gothic at
Romanesque. Sa Plaza Burgos matatagpuan ito, ang kampanaryo (mahigit isang dantaon nang naitayo) nito at ang bahagi ng Seminaryo Vigan na hindi tinupok ng apoy. Ang loob ng simbahan ay may tatlong nabe (nave), 12 na altar at isang choir loft. Makikita ang impluwensiyang Tsino sa altar sa baptistry, sa pinanday na tansong communion handrail, sa dalawang asong Fu sa labas lamang ng katedral at sa hugis octagon ng pinakaulo (dome) ng katedral. Makikita rin ang kasalukuyang Ayuntamiento Municipal, ang Casa Real
(Provincial Administrative Building) na
may disenyong American Colonial at
katapat lamang ng katedral, ang Colegio de Niñas, ang unang paaralan para sa mga batang babae sa Hilagang Luzon at ang Palasyo ng Arsobispo sa Plaza Burgos, ang plaza na itinayo bilang parangal kay Padre Jose Burgos, isa sa tatlong paring Filipino na hinatulang mamatay sa garrote ng mga Kastila dahil sa pagtataguyod ng mga pagbabago sa simbahan. Ang napabantog na “empanada” ay dito niluluto noong araw. Sa kasalukuyan, may ilang tindahan pa ring nagtitinda ng “empanada”. May food
court din sa plaza at parke para sa mga bata.
Ang Museo Nueva Segovia sa loob ng Palasyo ng Arsobispo ay may koleksyon ng mga mamahaling antigong kagamitang pansimbahan at relikya mula sa mga simbahan sa rehiyon ng Ilokos. Ilan sa mga ito ay ang mga larawan ng mga sinaunang obispo, mga imaheng kahoy (life-sized) ng mga santo, mga kasuotan ng pari at obispo at isang tabernakulong pilak na ginagamit hanggang ngayon tuwing Semana Santa. Naroon din ang artsibo ng arkidiyosesis at ang throne room. Ang Palasyo (Arzobizpado) ang nagsilbing punong-himpilan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong 1899
Sa kanluran ng katedral ay makikita ang Plaza de Salcedo kung saan itinayo ang pinakamatandang monumento sa Ilocos noong ika-17 dantaon bilang parangal kay Juan de Salcedo, ang conquistador na ama at tagapagtatag ng Villa Fernandina de Vigan.
Ilan pang mainam pasyalan sa Vigan ay ang Museo at Aklatang Padre Jose Burgos, Museo San Pablo, Museo Crisologo, Aklatang Panlalawigan ng Ilocos Sur, Aklatang Vigan, Aklatan ng PIA at ang Museo Quirino.
Labing-apat na larawan ang kinomisyong ipinta ng pamahalaang Kastila ng Vigan na sumupil sa Basi Revolt noong 1807 (nagsimula sa Piddig, Ilocos Norte at nagtapos sa Ilog Bantaoay) upang ipakita ang mga pangyayari sa pag-aalsang ito at bigyang babala ang mga katutubo sa mga binabalak pang pag-aalsa. Inihalintulad sa Daan ng Krus ang mga larawang ipininta ni Esteban Pichay Villanueva
(1797-1978). Kahit na may pagkiling sa mga mananakop ang mga larawan, naipakita rin ang pagpupunyagi ng mga Filipino para sa kalayaan. Ipinakita rin ng mga larawan ang isang mahalagang estado sa pag-unlad ng sining ng pagpipinta sa Pilipinas. Bago ang panahon ni Villanueva ay kadalasang relihiyoso ang tema ng mga ipinipintang larawan. Sa kasalukuyan ay makikita ang labing-apat na larawan sa sangay ng Pambansang Museo sa Vigan, ang lumang bahay ng mga ninuno ni Padre Jose Burgos
kung saan isinilang ang paring bayani. Bukod sa mga larawan ay makikita rito ang mga kayamanang mula pa sa panahon ng primitibong lipunan hanggang sa kasalukuyan, antigong koleksyon, mga diorama ng makasaysayang pangyayari at isang Hall of Fame ng mga bayani at iba pang bantog na Ilokano.
Ang Museo San Pablo ay makikita sa silangang bahagi ng Katedral. Mga kagamitang pangrelihiyon, mga materyales sa paggawa ng mga Bahay Vigan at mga larawan ng Vigan noong ika-19 na siglo ang makikita rito.
Ang Museo Crisologo na nasa pangangasiwa ng Pambansang Museo ay nag-iingat ng memorabilia ng yumaong Kongresista Floro Crisologo at ng mga orihinal na kagamitang dating nakikita sa mga Bahay Vigan.
Ang mansyon ng mga Syquia o Museo Quirino ay itinayo noong 1830 at makikita rito ang mga muwebles at iba pang kasangkapan mula pa sa siglo ika-19 at ang mga memorabilia ng yumaong Pangulong Elpidio Quirino.
-------------------------------------------------------------------
Matalino’t matulungin yan ang mga taga-Vigan. Tunay na palakaibigan kahit kanino man. Lubos ang kasipagan, laging maasahan. Malawak ang kaisipan saan mang larangan. Mapa-pulitika man o sa larangan ng pagsulat. Sila’y maipagmamalaki nating lahat. Kaya naman mga kaibigan, halina sa Vigan upang magkaroon ng maraming
kai-VIGAN.